Tuesday, September 1, 2015

#UPCAT memories

ID No 2004-78169

 (late na ito ng tatlong araw, pero habol ko pa rin.)


Sa Ateneo ako nagtapos, pero dalawang beses ako nag entrance exam sa UP. Noong una, 1992 pa-kolehiyo. Ikalawa, 2003, pa-law school.

Journalism ang first choice ko, syempre. Sa Diliman. Di ko na maalala ang second at third. September 6 ang date ng exam. Naka confine ang nanay ko sa Chinese hospital noon, colon cancer. Nakalabas sya sandali para makapag cover pa ng inauguration ni Fidel Ramos, pero kinailangan nyang bumalik. Hirap na talaga. Pero nakakasalita pa sya noon at tuwang tuwa sya nang nalamang mag eentrance ako sa UP.

Suot ko? Peach na blouse, bili sa Seventeen ng Cinderella. Sixteen ako noon, may boyfriend. Bigay nya yata yung blouse. Sa Engineering building ang assigned room ko. Syempre hindi ko alam yon so bumaba ako ng jeep sa may tapat ng education building. Syempre ang layo ng nilakad ko.

Di ako nahirapan sa exam, pero di rin naman madali. Sakto lang, sabi nga ng mga bata ngayon. Pagtingin ko sa relos ko, pasado 12 na. 12PM ang usapan namin ng boyfriend ko, susunduin nya ako sa tapan ng Vinzons hall para derecho kami sakay ng jeep papuntang SM North.

Dali dali akong lumabas ng engineering. At dahil fresh pa sa utak ko ang konsepto na "the shortest distance between two points is a straight line," minabuti kong tumawid sa sunken garden para mas mabilis akong makarating sa tagpuan. Fail. Nakalimutan ko na umulan nga pala habang nageexam ako.

Resulta, putik putik ang sapatos ko.

March 22 ng sumunod na taon nang natanggap ko ang balitang pumasa ako sa journ. Pero huli na, natanggap ko ang sulat galing Ateneo -- acceptance letter at offer of scholarship -- at nakatawag na ako doon para sabihin kong doon na ako mag-aaral.

Di na nahintay ng nanay ko ang magagandang balita.  Namatay siya October pa lang. Isang buwan pagkatapos ng UPCAT. Nung kumuha ako ng ACET, may black pin pa ako sa dibdib.

**

Wala na akong maalala sa pagkuha ng LAE maliban sa ito yung taon matapos magpakamatay yung anak ni Miriam Santiago dahil na harass daw sa panel interview. At least, yun ang kwento. Yung bottom 50 percent na lang ng passers ang ipa-panel at yung top 50 percent ay good for enrollment na.

Swerte ko, enroll na daw ako agad.

Night class ako, pero sayang, ang dami kong problem noon. Nagpapaka Superwoman ako matagal na pero ito yung mga pagkakataon na di talaga kinaya ng powers ko na isabay pa ang law school sa iba ko pang...ah...preokupasyon. Di na ako pinayagang mag enrol sa second year dahil ang sama ng grades ko, kahit nag appeal pa ako.

Pero nakatago pa rin ang UP ID ko.

Yung sa undergrad ko nga sa Ateneo, nawawala na.  




Ngayon, ang lapit ng bahay ko sa UP. Linggo-lingo, nandito ako, minsan dumadaan lang papuntang Katipunan, minsan nagbi-brisk walking, tuwing Biyernes sumusundo kay Elmo dahil sa College of Music ang dropoff ng school bus nila pag home leave sa Makiling.

Ngayon, yung boyfriend ko na pinagputikan ko ng sapatos para di sya maghintay ng matagal, tatay ng apat na anak ko pero ex ko na. Natutunan kong maging mas maalaga sa mga sapatos -- maghihintay ang mga dapat maghintay.

Alam ko iba sana naging takbo ng lahat kung nauna mag release ng results ang UPCAT kaysa ACET noong 1993. Di naman ako nagsisisi, pero di ko mapigilan maisip ang mga landas na di ko tinahak. Ano kaya?

Napapatunganga pa rin ako sa ganda at sa kapayapaan na nararamdaman ko pagpasok ng campus. Naaalala ko pa rin ang "Overdrive" na pinatutugtog ng malakas sa Campus jeep habang papalapit sa Oblation. Yung mga puno, para silang mga hilera ng sundalo na nagtataas ng espada para dumaan ako sa ilalim.

1992, 2003, 2015. Walang nagbago.

No comments: