Thursday, July 9, 2015

Pagsibol

Masakit ang ipin ko. Dalawang araw na. Sinubukan kong mag-imbestiga -- wisdom tooth pala. Katawa-tawa. Sa edad kong ito, para akong sanggol na iniinda ang pagsibol ng bagong ipin. 

Sinusubukan kong bigyan ng mas malalim na kahulugan ang pangyayaring ito. Ngayong taon, at Hulyo pa lang, nasa gitna pa lang tayo, ang dami nang nangyari sa buhay ko. Sa trabaho, sa bahay, sa mga bata. 

Pero marahil pinaka-akmang ihambing sa pagsibol ng wisdom tooth ay ang pagtatapos ng pakikipagkaibigan ko sa isang tao na ilang taon ko ring nakasama. Well, kasama sa diwa, dahil hindi rin naman kami madalas na nagkita sa loob ng ilang taon na yon. 

Bumabagyo kahapon, pero mas malinaw pa sa sikat ng araw ang mensahe ng kanyang mga salita. At kawalan ng mga salita. Isa lang naman ang patakaran: Kung gusto, may paraan. 

Matalino lang siguro ako sa eskwela at sa opisina -- sa ibang bagay, tatanga-tanga rin. Mabuti may mga kaibigan akong humahampas ng ulo ko paminsan-minsan. Kaya mahal ko ang mga kaibigan ko. Paano ang buhay kung wala sila? 

Ngayon, kahit saan ako tumingin, tila lahat ng bagay mag ipinahahayag na bagong mensahe. Kahit itong ipin ko, may mensahe rin. Hintayin lang. May sisibol. May bagong uusbong. Nariyan na nga ang mga unang tanda! 

At dahil hindi ako sanggol, inaasahan na ang panghusga ko ay akma na rin naman sa aking edad, kapasidad at karanasan. Bawal na ang tanga. Kaya nga wisdom -- karunungan. Maiba naman. 

Walang ulan ngayon pero madilim na naman at malakas ang hangin. May ilang oras pa ako para umupo dito sa harap ng bintana ko sa 6th floor at tumunganga. Ang ganda kasi ng view. May mga bahay, gusali, kalsada, tao. Sa malayo, alam kong nariyan ang bundok kahit di ko sya nakikita ngayon. 

Babagsak na naman ang ulan. Nagbabadyang hugasan ang mga dati nating katangahan. Mas marunong na dapat pagkatapos nito.

Pwede na rin. 

:)

No comments: