Friday, May 10, 2013

Balik pier

Higit isang buwan na simula nang bumalik ang aming opisina sa Port Area, Manila mula sa mas magandang kinalalagyan nito sa Makati.

Walang may gustong bumalik noong una, pero ano nga naman ba ang aming magagawa?

Ako mismo, ayaw na ayaw kong bumalik. Malayo ang Makati pero ligtas ang dadaanan at sadyang mas maaliwalas sa paningin.

Ang Port Area, parang bituka ng Maynila. Dito walang nagtatataasang gusali at magagandang kainan. Ang mga tao dito, hindi sanay sa corporate attire.

Ang Port Area, pugad ng mga squatter, ng mga rugby boys, pulubi, barker, porter, snatcher.  Maraming madungis at mahirap. Mapanganib sa gabi, at kahit anong oras din.

Unti-unti, nasasanay na akong muli.

Una, nangalahati ang distansyang ibinibiyahe ko, kahit na halos parehas din ang oras ng paglalakbay.

Mas tipid rin sa pamasahe at pagkain. Kaya kong pagkasyahin ang P50, papunta at pabalik. Di ka rin matutuksong kumain sa labas dahil wala kang kakainan sa labas. Kung gusto mo, bumili ka ng baon habang papunta. Ibang-iba sa pagiging kapitbahay ng Greenbelt 1.

Pinakaimportante sa lahat, hindi ako nakakalimot.

Sa Makati, ang daling masilaw sa magagandang bagay. Ang daling ma-engganyong kumita ng malaki para makabili nito, niyan, noon.  Ang dali rin sumama ang loob kung sakaling may mga pangangailangan pang hindi matustusan.

Sa pier, araw-araw mong maaalala kung bakit mo pinili ang ganitong propesyon. Hinding hindi ka makakalimot sa mga bagay na kailangang ayusin sa ating bansa.  Magtatanong ka kung ano pa ba ang pwede mong gawin sa lipunan. Madudurog ang puso mo sa mga maliliit na batang sumisinghot ng rugby, humihitit ng sigarilyo, o namamalimos. Di kaya sa matatandang natutulog sa kalsada, na walang ibang pinoproblema kung hindi san nya kukunin ang susunod nyang kakainin.

Hindi dapat ganito! HINDI DAPAT GANITO!

Aaminin ko -- hindi naman ako araw araw na nagpupunta sa pier. Minsan sa bahay lang ako nagtatrabaho para makatipid sa oras ng byahe -- sadya kasing maraming gagawin at panghihinayangan mo ang tatlong oras ng paglalakbay. Minsan, sa labas ako gumagawa lalo na't may meeting para sa iba ko pang hanapbuhay.

Pero hindi na ako nagrereklamong bumalik ang aming opisina sa pier. Mag-iingat na lang ako at magiging mapag matyag para ingatan ang sarili ko. Nagsisilbing inspirasyon sa akin ang nakikita kong dumi, panganib at kawalan ng pagkakapantay pantay para gawin ng mas mabuti ang trabaho ko, at mag-isip pa ng ibang paraan kung paano, kahit kaunti, makatulong sa pagbabago.

No comments: