Sunday, April 7, 2013

Bahay sa tapat


Nangungupahan ako ng isang tatlong-silid na townhouse dito sa Valenzuela. May isang malaking gate na main entrance para sa lahat ng nakatira dito. Pagkatapos, bawat unit, may sarili ding gate.  May guard kami, kahit na medyo matanda at mabagal na sya, at mukhang mas mahusay sa huntahan at pagmamasid sa buhay ng may buhay.

Hindi ko alam ang takbo ng buhay sa bandang itaas. May ibang bahay doon na tig isa’t kalahati o di kaya’y dalawang unit na pinag-isa. Naggagaraan din ang mga sasakyang nagdadaan. Balita ko, ilang mayayamang Intsik ang nakatira doon.

Dito sa may bandang ibaba (pangatlong bahay lang ang sa amin mula sa main entrance), halos di nagkakalayo ang mga estado ng nakatira. May propesyunal na katulad ni Attorney sa tapat, na laging umaalis alas siyete empunto sa umaga sakay ng pula niyang kotse. Walag bata sa bahay nila pero maraming aso.

Nariyan din sina Nanay at Tatay na may ari ng sari sari store. Nakakaaliw ang mag asawang ito dahil si Tatay na palaging nakaupo at nagmamatyag ng mga taong dumadaan ay masyadong nakaasa kay Nanay. Makikita mong nagkakandakuba na si Nanay sa kakalaba pero si Tatay ay tuloy ang kwento kay Manong Guard. Si Nanay naman ay minsanang nakikisalo din sa usapan – magiliw pa rin kahit pagod na.

Kadalasan, tumatao si Tatay sa tindahan. Pero hanggang dun lang ang papel nya. Pupunta ka at bibili ng kahit ano – kendi, itlog, softdrinks, load – at sisigaw na sya ng “Naaaay!” Hindi nya alam ang presyo ng mga tinda sa sarili nyang tindahan. 

Yung anak nilang babae, minan ay nagluluto ng banana cue, turon at cheese sticks na diunudumog ng mga nursing students kapag may pasok. Yung anak nilang lalaki, nakiki parada ng asul nyang AUV sa tapat ng bahay namin. Hindi naman ako nagrereklamo dahil wala naman akong sasakyang dapat iparada dito.

Sa tabi namin ay ang bahay ng kaklase ni Elmo na si Kelly – OFW yata ang kanyang ama.

Sadyang naiiba lang talaga ang bahay sa tapat. Ang bahay ng batang si D.  


2013-04-07 09.08.11.jpg

Tingin pa lang, alam mo nang iba ang timpla ng mga tao sa bahay na yon. Lahat ng kapitbahay ay may kaunting pagtatangkang ayusin ang harapan ng bahay nila. Kina D wala. Kung ano-anong tambak at sampay ang tatambad sa paningin mo. Sira-sirang kahoy, lumang sako,basag na bintana. Hindi uso ang blinds o kurtina – tabing, pwede pa.

Ang tatay ni D ay halatang aburido sa buhay nila. Tuwing malalasing sya, nag-iingay na ito. Wala naman syang inaaway na kapitbahay. Mga kasambahay nya ang kanyang ginugulo. Hindi ko rin alam kung ilang pamilya sila sa loob pero parang ang dami nila doon. Walang pinipiling oras ang kanilang pagsisigawan. Nung bago kami dito, natakot ako nang bigla syang magbabasag ng bote sa daanan. Si R ay payat na lalaki pero pag lasing ang isang tao, hindi mo rin talaga masasabi kung ano ang kaya nyang gawin. Madalas din nyang dialogue – “walang mahirap, walang mayaman, pantay pantay tayong lahat”.

Minsan naman ang nagsasagutan ay ang asawa nya at ang anak nyang tinedyer. Matinding mag-away ang mga ito, Ang daming pagbabanta. Sana salita lang talaga yon. 

Ang ina ni R ay kasama din nila sa bahay. Maya’t maya sumisigaw ng “Tama na!” ang matanda pero walang pumapansin sa kanya.

Minsan na rin daw may tumawag ng pulis para ireklamo sila. Daanan din naman talaga ng roving vans itong lugar namin. Hindi naman naisama ng pulis si R dahil walang may gustong maghain ng demanda. Natatakot sa resbak, siguro.

Pero ang pinaka nakakabagabag sa lahat sa bahay na yon ay ang mga bata.

Mayroong di bababa sa apat na batang maliit sa bahay na yon. Si D ang nabanggit ko. Sya kasi ang palagi mong makikita na lalakad lakad sa paligid. Siguro mga anim na taon si D pero hindi pa sya nagsasalita. Alam lang nyang mangalabit at manghingi sa iyo ng barya, ng pagkain, o ng kahit anong dala mo. Pag wala kang inabot sa kanya, mabilis nya ring ilalabas ang kanyang dirty finger. Mag ingat ka rin sa bag mo at huwag moing hahayaang nakabukas ito. Ganun din ang iba nyang nakatatandang kapatid. Nalaman kong pumupunta sa mga malalaking bahay sa itaas ang mga batang ito at kumukuha ng kahit ano basta naiwang bukas ang gate.

Naiinis si Elmo kina D at mga kapatid nito dahit palagi daw saying inaasar at minumura ng mga bata. Pinagsabihan kong huwag nyang patulan. Kung may kailangang pagalitan, ito ay ang mga magulang – paano matututo ang bata ng kabutihan kung walang halimbawang nakikita sa bahay?

Kung minsan kung ano ano ang naiisip ko tungkol sa mga batang ito. May dalawang batang babae na wala pa siguring limang taon. Grabe kung makaiyak ang mga bata. Wagas. Bigay na bigay. Hindi ba kung magulang ka, aalamin mo kung bakit umiiyak ang anak mo sabay susubukan mong patahanin ito?

Hindi ganoon ang sistema ng bahay sa tapat. Hinahayaan lang ang mga batang ngumawa, kung minsan ay walang puknat, dere deretso ng kalahating oras hanggang mapagod na lang ang mga bata o makatulog kaya. Dinig na dinig dito sa amin ang pag iyak. Nagugutom kaya sya? Nag aaway kaya ang magkakapatid? Sinasaktan kaya ang bata?  Ano pa bang sama ang pwede nyang sapitin? Diyos ko – huwag naman sana!

Ngayon ay ilang linggo nang walang kuryente sa bahay sa tapat. Awang awa ako sa mga bata kapag iniisip ko kung gaano kalupit itong tag-araw. Kami nga lang ay nagrereklamo kahit na ilan ang bentilador dito sa bahay. Paano kaya ang mga bata kung matulog sa gabi?

Alam kong kanya-kanya lang tayo ng problema. Alam ko ring marami pang mas matindi ang situwasyopn kaysa kina D -- at least sila, may bahay sila, at townhouse pa. Pero sa tingin ko, kailangan ng tulong ng mga bata sa tapat. Sana alam ko kung paano mag-umpisa bukod sa pagsulat ng sanaysay na ito.   

No comments: