Thursday, January 10, 2013

Ang Bagong Daan

Mga limang taon na rin akong pabalik-balik sa DNA Analysis Laboratory - National Science Research Institute sa Miranda Hall, UP Diliman.

Personal ang dahilan noong una. Maraming tanong akong nasagot.

Nang lumaon, naging propesyunal na ang layon ng pagbalik-balik ko sa lugar na ito. Ilang beses ko na rin kinapanayam si Dr. Cora de Ungria para sa mga artikulong ginawa ko tungkol sa pagkakaroon ng DNA technology sa bansa, sa papel ng agham sa pag-unlad natin, at kung bakit parang bago tayo nang bago sa maraming bagay na dapat sana ay pangkaraniwan na.

Noong isang taon, tinulungan din ako ni Dr. Cora sa isang investigative report na isinulat ko sa isang kurso ko sa pamantasan. Syempre A ang naging marka ko sa kurso, at nailathala din ang ulat hindi lang sa Standard kung hindi sa VERA Files, ABS-CBN, Yahoo Philippines, Malaya at iba pa. (Nalaman ko rin na binigyan ito ng "Cheers!" ng Center for Media Freedom and Responsibility sa isang isyu ng PJR).

Kahapon ay pumuunta na naman ako sa Miranda Hall para kausapin naman ang asawa ni Dra Cora, si Atty Jojo, tungkol sa isang proyektong magiging paksa ng column ko na lalabas bukas.

At matapos ang limang taong pabalik balik sa NSRI, kahapon ko lang nalaman na nasa likod lang pala halos ito ng isang pamilyar na babaan at sakayan, Palma Hall yata ito, sa UP. Dati, pag nagpupunta ako sa Miranda, nagpapahatid ako sa kaibigan o di kaya'y nagtataxi galing Philcoa. Nasubukan ko na ring sumakay ng UP Ikot na jeep. Dumadaan naman dito talaga ang jeep - kaya lang, umiikot din talaga muna.

Ganun nga dapat ang gagawin ko ulit kahapon. Mabuti na lang at pinagsabihan ako ng Ikot driver para hindi na raw ako mapalayo. At tama nga...konting lakad lang, naroon na agad ako sa patutunguhan ko. Pagbalik, madali na lang para sa akin ang maglakad nang kaunti bago sumakay ng jeep na papuntang SM North.

Akala natin alam na natin lahat ng pasikot sikot dahil lang matagal na natin ito ginagawa. Nakakatuwang pwede pa rin tayo makatuklas ng mga bagong bagay at panibagong paraan. Dapat lang laging bukas, at handa.


No comments: