Friday, October 12, 2012

Ang mag-Tagalog

Naninibago pa rin ako sa bago kong cell phone. Pakiramdam ko, ang kakapal ng daliri ko. Laging mali-mali sa pagsusulat...hirap na hirap ako mag type.

Hindi ibig sabihin nito na hindi ko ito gusto.

Marami-rami na rin akong na-download na apps. Paborito kong laruin ang Hangman. Tinuruan naman ako ni Josh na maglaro ng Logo Quiz. Nakapaglagay na rin ako ng mga kanta, kaya ngayong linggong ito, nagsimula na naman maging isang magandang karanasan ang paglalakad papunta sa opisina mula sa MRT station sa Ayala. At pabalik. Nakagawa na rin ako ng Travel playlist, mga piling kanta ni John Mayer at ng mga grupong Coldplay at Dave Matthews. May iba pa akong gustong ilagay pero tama na muna ito sa ngayon.

Pero pinaka-mangha pa rin ako sa pagdownload ng Viber, isang application kung saan pwede kang makipag-text at makipag-usap nang libre basta't ikaw at ang kausap mo ay parehong online. Kahit nasaan kayo. Nabanggit ko noong nakaraan na halos isang oras agad kami magkausap ng kumare kong si Jennie, na nakatira na ngayon sa Hamilton, Ontario.  Ganito na pala kadali ngayon ang makipagusap kahit sa isang taong nasa ibang bansa. Parang nariyan lang sa bahay ng nanay niya sa Happy Site (mga 5-minutong lakad mula sa bahay namin) si Jennie. Ang linaw ng boses nya. Dinig ko rin ang pangungulit ng Canadian nyang asawa na si Thomas.

Kanina naman ay magka-text kami, pati ang inaanak niyang si Bea nga ay nakisali rin sa usapan. Parang di ko alintana na taon pa ang bibilangin hanggang magkita kaming muling magkaibigan. (Salamat, mare, sa pangako mong ipagda-download mo ako ng Episode 7, 8 at 9 ng The Newsroom - ito na lang ang mga hindi ko napapanood.)

Sabi ni Jennie, ang sarap daw kasi ng may kausap ng Tagalog. Silang dalawa lang ni Thomas sa bahay, at pati sa trabaho (doon sya sa Hamilton Public Library) ay puro ibang lahi ang kasama nya. Paggising nya sa umaga, hanggang pagtulog nya sa gabi, palagi na syang nagi-Ingles.

Alam ko ang ganoong pakiramdam. Noong dalawang buwan akong tumira sa Germany, isa lang ang Pilipino na kasama ko -- si Liberty, taga Cebu (pero marunong sya mag Tagalog). Ang sarap nga naman talagang magsalita ng sarili mong wika...kahit puno ang tren, o mahaba ang nilalakad, o kahit naliligaw ka na. Pwedeng pwede nyong pag usapan ang kahit ano, nakakabawas ito ng pangungulila sa isang bansang kinaiinisan mo naman kapag nandito ka. Pwede rin naming pag-tsismisan ang mga kaklase naing pasikat, mayabang, o pasaway.

(Kawawa naman si Liberty, naisip ko. Wala syang nakausap sa Cebuano sa buong dalawang buwan.)

Ngayon naman ay mukhang magkakaroon ako ng bagong proyekto kung saan magtatagalog na naman ako. Ginawa ko na ito noong isang taon, isang aklat ng mga sanaysay tungkol sa mga maliliit na negosyante. Wala naman akong narinig na reklamo. Muli na namang magsasalita para sa masa, para sa karamihan.

Di rin naman kasi ako lumaking nagsasalita ng Ingles sa bahay. Sa paaralan na lang ako natuto ng wikang ito. Natuto akong magbasa gamit ang Wakasan komiks ng Lola ko. Nahumaling ako sa Funny Komiks. Di uso ang Time at Newsweek sa bahay ni Lola -- ang meron, Kislap, Teenstars, at iba pa. Inis pa nga ako (o intimidated lang) sa mga batang nag-iIngles. Pasosyal sila, sa tingin ko.

Kaya naman kahit na panitikang Ingles ang tinapos ko, kahit pa nag-aral ako sa Areneo at kahit ang hanapbuhay ko ay dahil sa paggamit ko ng Ingles, lagi pa rin akong nagsasalita ng wikang kinagisnan ko.

Hindi ito pahabol sa Linggo ng Wika. Natutuwa lang ako na may bago akong proyekto. Sana matuloy.


  

No comments: